Let's Get It Straight: MCGI Be Like—Hypocrisy Series No. 02: Tapos na nga ba ang Panahon ng Pagtatanggol ng Pananampalataya?
- Rational Viewpoint

- May 19
- 3 min read
Sa mga panahong ito, maraming miyembro ng Members Church of God International (MCGI) ang tila nag-aadjust pa rin sa transisyon ng pamumuno mula kay Bro. Eli Soriano (BES) patungo kay Bro. Daniel Razon (KDR). Sa harap ng mga kritisismo, madalas marinig ang pahayag ng ilang tagasunod:
"Mga kapatid, huwag po nating hanapin kay kapatid na Daniel ang na kay Kapatid na Eli. May kanya-kanya po silang kaloob. Magkaiba sila ng paraan, at panahon na ngayon ng 'execution'—hindi na ng debate."
Ngunit, pag-isipan nating mabuti: lohikal ba ang ganitong argumento? Biblikal ba ang pagsuko sa tungkuling ipagtanggol ang pananampalataya at gibain ang mga maling aral?
1. Iba nga ba ang kaloob ni Bro. Daniel kay Bro. Eli?
Sinasabi ng ilan na magkaibang "kaloob" ang nasa dalawang lider. Pero ayon sa 1 Corinto 12:28, may mga kaloob nga sa loob ng Iglesia—apostol, propeta, guro, at iba pa. Ngunit kung si KDR ang opisyal na kahalili ni BES, hindi ba’t inaasahang ipagpapatuloy niya ang parehong tungkulin: mangaral, mangasiwa, magturo, at sumaway sa maling aral?
Tulad ng inihabilin ni Pablo kay Timoteo:
"Ipangaral mo ang salita; magsikap ka sa kapanahunan at sa di-kapanahunan; sumaway ka, sumaway ka, at mangaral na may buong pagtitiis at pagtuturo." (2 Timoteo 4:2)
Hindi ba ito rin ang pamana ni Bro. Eli kay Bro. Daniel?
2. Magkaiba man ng estilo, iisa pa rin ang tungkulin
Aminado tayong mas modernong panahon na ngayon. Mas maalwan ang teknolohiya, mas accessible ang media. Ngunit ang mas madaling paraan ng pag-abot sa tao ay hindi dahilan para talikuran ang mas mahirap na tungkulin—ang makipagtagisan ng unawa, ang sagutin ang mga tanong, at ang gibain ang mga maling doktrina.
3. Ang Espiritung Ipinasa—Gaano Katotoo?
Minsan ay nabanggit ni BES na lilipat kay KDR ang espiritung nasa kanya, at aniya pa’y mas malaki pa nga ang espiritung nasa huli. Kung totoo ito, hindi ba’t may rason tayong asahan na mas higit si KDR sa pagsagot ng mga katanungan, sa pangangaral, at sa pagtatanggol ng doktrina?
Eh bakit nga ba tila iwas na iwas ngayon ang mga kapatid sa pagbibigay ng follow-up questions kay KDR? Bakit pinipigilan ang mga tanong, sa halip na tanggapin ito bilang oportunidad upang maipakita ang taglay na karunungan?
4. Tapos na raw ang panahon ng pag-giba ng maling aral?
Ito marahil ang pinaka-alarming na pahayag: “Tapos na ang panahon ng pag-giba sa mga maling aral. Panahon na ng execution.”
Pero ayon sa Biblia, habang may mga manliligaw sa pananampalataya at bagong aral na lilitaw, hindi matatapos ang pangangaral at pagsaway. Hangga't may mga naliligaw, may tungkulin tayong itama sila. Hindi ito tapos. Hindi ito lumipas. Hindi ito naluma.
"At marami ang susunod sa kanilang mga gawang mahahalay; na dahil sa kanila'y lalaitin ang daan ng katotohanan." – 2 Pedro 2:2
Paano natin itatama ang maling aral kung wala nang mangangatuwiran?
5. Luke 21:15 — Mabuting Gawa lang ba ito?
Isa pang argumentong iniaangat ng ilan ay ang:
"Sapagka’t bibigyan ko kayo ng isang bibig at karunungan, na hindi maisasagot ni matututulan man ng lahat ng inyong mga kaalit." (Lucas 21:15)
Ang paliwanag? Tumutukoy daw ito sa mabuting gawa.
Granting without accepting na ito ang "malalim" na kahulugan—pero hindi ba’t malinaw sa literal na pagbasa na tumutukoy ito sa isang mangangaral na taglay ang karunungan mula sa Dios? Hindi ito palusot para umiwas sa pagtuturo o debate. Hindi ito exemption para sa isang tagapangasiwang pangkalahatan na dapat sanang punô ng unawa, tapang, at karunungan sa pagharap sa mga kaibayo ng pananampalataya.
Ang pagsasabing tapos na ang panahon ng debate, iwasan ang pagtatanong, at tanggapin na lang ang kaloob ni KDR ay hindi makatwiran at, sa maraming aspeto, hindi biblikal. Hindi ito ang aral na iniwan ni Bro. Eli. Hindi ito ang espiritung ipinaglaban niya hanggang sa huli.
Kung tunay na may espiritung galing sa Dios, hindi ito dapat ikinukubli, kundi ipinapakita sa gawa at sa doktrina. At kung may sinumang magtanong, ang isang tunay na tagapangaral ay hindi natatakot—dahil may bibig at karunungang hindi matututulan ng sinuman.



